Taka

Minsan nagtataka ko

Kung anong klaseng paggalaw ang ginawa ng uniberso

Para magkatagpo tayo sa mundong ‘to.

Tinulak ba nya ko sayo

O hinila ka ba nya palapit sakin?

Binilisan ba nya ang pag-ikot para sabay tayong

mahilo at magtapo sa gitna

O binagalan nya hanggang sa ang mga paa na mismo natin

ang nagdala satin sa isa’t-isa?

 

Minsan nagtataka ko

Kung anu-anong magagandang bagay ba ang nagawa ko

para biyayaan ako ng kagaya mo.

Sobra ba kong naging mabait?

Dahil ba hindi ako nagtatanim ng galit?

O baka naman dahil sa araw-araw kong pagdadasal bago pumikit?

Kasi alam mo, dati palang talaga ito na yung hinihiling ko ng paulit-ulit.

Kaya rin siguro binigay ka para matigil na ko sa pangungulit.

 

Minsan nagtataka ko

Kung paanong ikaw pa sa lahat ng nandito sa mundo.

Anong meron sayo?

Anong ipinagkaiba mo?

Minsan nga nagdududa na ko.

 

Hanggang sa matuklasan ko ang mga bagay tungkol sayo.

Hanggang sa maramdaman ko kung gaano ka katotoo.

Hanggang sa matutunan kong intindihin

ang bawat bulong at sigaw ng puso mo.

Kung paanong kaya mong tuparin ang lahat ng mga pangako.

Kasi nga sabi mo, ang pangako dapat tinototoo.

At higit sa lahat, hindi mo kayang biguin ako.

 

Minsan nagtataka ko

Kung bakit nga ba ako?

Bakit nga ba tayo?

Pero titigilan ko na ang pangunguwestyon

Basta ang alam ko maswerte ako.

Maswerte ako.

Dahil sayo.

Pitong Rason Kung Bakit Hindi Dapat Ako Mahulog Sayo

Pitong rason kung bakit hindi dapat ako mahulog sayo.

Una, masyado kang masakit sa mata.

Sa tuwing makikita kita para bang may sariling buhay ang mga mata ko na sunod nang sunod sayo

at wala kong magawa para pigilan to

Kaya oo, masakit ka sa mata at ayoko nito.

Pangalawa, para kang bata. Makulit. Mapang-asar. Matampuhin.

Ayoko sa kumplikado.

Yung hanggang ngayon may mga bagahe pang dala mula sa nakaraan at yon ang pangatlo.

Pang-apat, ayaw nila sayo—nilang mga kaibigan ko. Bakit?

Dahil panglima at pang-anim, yung mga katulad mo raw yung tipong hindi nagseseryoso.

Yung mga tulad mo raw yung halatang sa una lang magaling pero bigla nalang maglalaho

At pangpito, hindi dapat ako mahulog sayo dahil masasaktan lang ako.

At takot ako. Na masaktan.

Takot akong mahulog sa mga gaya mo pero wala akong magawa.

Dahil sa pitong rason na meron ako, walo ang meron ka para mahalin ko.

‘Yang mga mata mo na para bang palaging nakikipag-usap sa mga mata ko

kaya naman walang tigil ang sunod nito sayo

Pangalawa, ‘yang mga biro mo na kahit na minsan kinaiinisan ko

ay sya rin namang dahilan ng mga ngiti at tawa ko.

Pangatlo, hindi mo man alam pero napapalabas mo yung totoong ako.

‘Yang ugaling meron ka na kinaaayawan nila

Na akala ng iba ang babaw lang pero hindi naman talaga

‘Yang ugaling meron ka na sakin mo lang totoong ipinapakita, yan.

‘Yan ang pang-apat at panglima.

Pang-anim, seryoso ka. Seryoso ka sa maraming bagay.

Siguro nga ako lang ang nakakakita pero sigurado ako na hindi lahat ng bagay ay laro lang para sayo.

Pangpito, ang tapang mo. Dahil kaya mong sabihin lahat ng nararamdaman mo, hindi gaya ko.

Kaya mong pumusta kahit wala namang kasiguraduhan ang pagkapanalo mo.

Pangwalo at ang pinakagusto ko, ikaw ka.

Wala kang ibang ginagawa kundi ang maging ikaw lang

Kaya paano ako hindi mahuhulog sayo?

Hindi Na Tayo Yung Dati

Meron. Merong nagbago.
Kahit hindi mo sabihin
Kahit hindi natin aminin
Alam nating may nagbago
Hindi na ikaw yung dating kilala ko.
Hindi na ikaw yung palaging kasama ko
Hindi ka na natatawa sa mga biro ko
Iba na yung trip mo sa trip ko.

At hindi na rin ako yung dati.
Hindi na ko yung malakas tumawa
Hindi na ko yung isang yaya mo lang nandyan na
May mga bago na kong kakilala
At nakakalungkot man pero ganun siguro talaga

Hindi lang satin umiikot ang mundo
Hindi lang tayo ang nabubuhay dito
Alam kong marami tayong napagkasunduan at ipinangako sa isa’t-isa noon
Pero ganun nga siguro talaga
Hindi lahat ng sinabi mangyayari
Hindi lahat ng ipinangako, matutupad.
May mga bagay na unti-unti nalang mawawala ng hindi natin namamalayan

Tulad ng nangyari satin.
Yung dating masaya lang, ngayon punong-puno ng drama
Yung dating simple lang, ngayon sobrang kumplikado na.
Dati naman kasi magkasama lang tayo ng saglit, ayos na
Pero bakit ngayon ang daming kulang?
Ang daming hinahanap
Ang daming kailangan
Ewan ko, siguro nga kasabay ng maraming kulang ang maraming katanungan.
Katanungan na hindi natin alam kung pano bibitawan ng walang nasasaktan
At kasagutan na parehas naman nating alam, takot lang tayong aminin kaya nagbubulag-bulagan.

Sabi natin noon mahuhulog tayo ng sabay
Tama, nahulog nga tayo ng sabay
Pero hindi sa isa’t-isa tayo bumagsak

Susugal Ako Sayo

Susugal ako sayo
Kahit ayaw nila
Kahit maraming duda
Kahit maraming kontra
Susubukan ko

Alam kong suntok sa buwan tong gagawin ko
Hindi ko alam kung may mapapala ba ko
Para kong isang sundalong sasabak sa gyera
Na hindi alam kung pagkatapos makakaligtas ba

Sabi kasi nila mali daw na mahulog sayo
Hindi raw tama na bigyan kita ng pagkakataon
Pinipilit nilang baguhin ang isip ko kahit na desidido naman na ko sayo
Kasi raw sasaktan mo lang ako
Kasi raw paiiyakin mo lang ako
Hindi raw ikaw yung dapat sa buhay ko
Ang dami dami nilang komento
Ewan ko, basta ako, susugal ako sayo.

Alam kong pwedeng tama nga sila
Na sa una lang magiging masaya
Na kalagitnaan unti-unti ka ring magsasawa
At bandang dulo iiyak ako at mauuwi lang sa wala
Pero ano bang magagawa ko?
Hindi ko na kayang tanggihan pa ang puso ko
Ilang beses na kong nagpadala sa takot
Maraming beses ko na pinigilan ang sarili ko na mahulog
At hindi ko naisip na isinasantabi ko na pala ang karapatan kong sumaya

Kaya sa pagkakataong to, 
Pikit mata kong susugal sayo
Masaktan na kung masaktan
Basta susubukan ko
Bahala na.
Bahala na kung hindi man ikaw yung tamang tao
Wala na kong pakialam kung sino ang sino

Pero sana,
Sana kung tama sila at ikaw nga yung maling tao,
Ikaw sana yung tipo ng maling tao na handang maging tama para sa sumubok na ako.

Music Monday (08.08.16)

image

Sa pagkumpas ng ‘yong kamay
Ang aking landas, ginagabay
Nag-iisang tiyak sa isang libong duda
Silong sa iyak, at pagluluksa

Kung puso ko ay imamapa
Ikaw ang dulo, gitna’t simula

Nahanap din kita (kay tagal kong naghintay)
Nahanap kita

Maligaw man at mawala
Umikot man sa kawalan
Sa bawat kailan, sino’t saan
Ikaw lamang ang kasagutan

Bawat kanan at kaliwa
Kung timog man o hilaga

Ang bawat daan ko ay patungo
Pabalik sa ‘yo

Kay tagal nang lumulutang
Walang pupuntahan walang dahilan
Parang ulap na walang dalang ulan
Kamang walang kumot at unan

Bihag ako ng pagtataka 
May saysay ba ang paglalakbay 
Ngunit nahanap din kita 
Nahanap kita 

image

Ebe Dancel’s Bawat Daan MV (click here)

Music Monday (07.18.16)

image

Ilang hakbang papalayo
Sa bawat singhot
Ako’y napapaso

Hinahanap ka na ng langit
Saan kita itatago? 

Ang buhay di mahalaga
Kung ikaw hindi makakasama
Walang ibang idadalangin
O diyos ko
Wag kang agawin sa akin

Kislap ng ‘yong mga mata
Ang siyang nagbibigay ng kulay

Mga bulong ng hangin na naguugnay
Sa? yo at sa’king buhay

At sayong paglayo
Tangay tangay mo ang buhay ko
Sa bawat pintig ng puso ko
Aking dalangin
Wag kang agawin sa akin

O diyos ko, wag kang agawin sa akin

image

Callalily’s Takipsilim (lyric video click here)

Kapag Handa Na

Noong sinabi mo saking mahal mo ko, hindi ako nakasagot.
Hindi dahil sa ayaw ko sayo o kung ano pa man
Kundi dahil hindi ko alam kung dapat na ba.
Nagulat ako.
Hindi ko kasi alam na sasabihin mo yon.
Hindi ko nakitang darating to.
Nakakainis kasi hindi ko nabasa kung anong nasa isip mo
gaya ng madalas na ginagawa ko.

Sinabi ko sayong hindi pa ko handa.
Natatakot ako, ayaw ko pa.
Pero nakakatuwa lang dahil kahit ang gulo
at ang labo-labo ng isip ko, naintindihan mo.
Hindi ka nagalit. Hindi ka lumayo bagkus nanatili ka
Kahit pa sinabi kong wag na.

Alam ko naman e. Alam ko naman na lahat may hangganan.
Lahat napapagod. Lahat nagsasawa.
Pwedeng ngayon nandyan ka pa,
Pwedeng bukas ayaw mo na.
Pero kapag dumating yung oras na handa na ko at nandyan ka pa,
Pangako, titignan kita diretso sa mata
At sasabihin ko sayo ng buong pagmamahal na,
“Mahal, mahal din kita.”