Ikapitong Pag-ibig

Isa, dalawa, tatlo
Ang dami nang pag-ibig na dumaan sa puso ko
Apat, lima, anim
Mga pag-ibig na dumating at umalis sa buhay ko
Kaya bago pa magpampito, sinabi ko sarili kong tama na .
Gusto ko na lang munang magpahinga
Sa lahat ng sugat, hikbi, luha
Sa lahat ng sakit kaya tama na muna

Dahil malapit na.
Malapit na kong maniwala na totoo yung sinabi ni Ricky Lee
Sa libro nyang “Para Kay B”
Na may quota ang pag-ibig
Na sa bawat limang magmamahal ay isa lang ang magiging maligaya
Malapit na kong makumbinsi na sa limang tinutukoy nya,
Palaging hindi ako yung isa
Palagi akong kasama doon sa apat na hindi masaya
Doon sa palaging luhaan
Sa palaging talo sa laban

Quota na ko sa sakit.
Kumbaga sa sugal, ang dami ko nang ipinusta pero wala man lang balik
Kaya umabot sa puntong naging duwag ako
Natakot na kong sumugal at masyado ko nang iningatan ‘to
Natuto akong mas mahalin ang sarili ko
Nakapagtayo ako ng mga pader na poprotekta
Sa puso kong ilang beses nang nagkalasug-lasog
At ilang beses ko na ring paulit-ulit na binuo para sa sarili ko

Pero masyado talagang mapagbiro ang kalawakan
Na kung kailan naman pakiramdam ko maayos na ko
Saka naman nya ko bibigyan ng isang katulad mo
Na para bang isa kang malaking pagsubok
Na susukat sa katatagan ng mga pader na pinaghirapan kong itayo
At sa ikapitong pagkakataon, lahat ng pinaghirapan ko, gumuho
Ang nakapagtataka lang, sa unang pagkakataon,
Hindi ako nanlumo.
Hindi ako nakaramdam ng pagkatalo
Bagkus narinig kong nagdiwang ang kalawakan

Nag-umpisang kuminang ang mga bituin
Sumarap ang simoy ng hangin
Nagkaroon ng kulay ang paligid
At sa puntong yon, parang, parang binalot na naman ako ng pag-ibig
Tama. Binalot na naman ako ng pag-ibig
Pero hindi na ‘to katulad ng dati
Hindi na ‘to yung pag-ibig na mababaw
Hindi na ‘to yung pag-ibig na duwag at mahina
Hindi na ‘to yung pag-ibig na maraming “paano” at “baka”
Ito yung pag-ibig na mas malalim pa sa malalalim na salita
Ito yung pag-ibig na matapang na at handa
Ito yung pag-ibig na wala ng pag-aalinlangan pa
Dahil handa na ko.

Handa na ‘kong humiga sa ilalim ng kalangitan kasama ka
Handa na ‘kong making sa katahimikan ng gabi
Kasabay ng mga puso nating iisa ang pintig
Handa na ‘kong malunod sa mga mata mong may espesyal na titig
Handa na ‘kong pumusta at ialay lahat ng mga baraha
Handa na ‘kong sumugal ulit sa pag-ibig
Handa na ‘kong masaktan. Ulit.
Simple lang.
Kasi ikaw ‘yan e.
Masyado mo ‘kong binibigyan ng maraming alaala
Na para bang hindi ko na kakayaning humanap ng iba
Sa lahat lahat, sayo ko pinakahanda
Sayo ko pinakamatapang
Dahil naniniwala ako na hindi ka binigay sakin nang wala lang
Kaya kung dumating man ang araw na masaktan ulit ako
Kung sa ikapitong pagkakataon ay bawiin ka sakin ng uniberso
Maghihitay ako.
Dahil kung tayo talaga, ikaw at ako parin hanggang dulo
Isa, dalawa, tatlo
Apat, lima, anim at pito
Wala nang atrasan ‘to.
Handa na ko.

 

Advertisements

Hindi Naman Totoong Matapang Ako

Sinabi ko noon sa sarili ko na kahit kailan
hindi ako magpapadaig sa pag-ibig.
Kasi matapang ako.
Kaya ko nang wala sya.
Pag-ibig lang kasi ‘yan.
At ako? Ako ‘to.

Sinabi ko noon sa sarili ko na anuman ang mangyari
hindi ako magpapatalo.
Hindi ako iiyak.
Ayos lang kung mawala sya.
Kung hindi sya dumating.
Kung umalis sya, e di sige.
Kung bitawan nya ko, hindi ko ipipilit na higpitan pa ang kapit.
Dahil ayos lang.
Kung hindi para sakin, hindi para sakin.
Hindi ko para habulin ang mga bagay at tao
na nagkukumahog tumakbo palayo sakin.
Kasi sabi ko nga matapang ako.
Matibay ako.

Pero ang totoo, sinungaling talaga ko
Hindi ko alam kung nagsasabi ako ng totoo kasi kasasabi ko palang na sinungaling ako
Pero oo, sinungaling nga ako.
Kasi pati sarili ko niloloko ko.
Ang totoo nyan, duwag ako.
Takot akong mag-isa.
Ayokong naiiwan.
Pagdating sa pag-ibig, suko ako at talunan.
Dahil paghubad ng maskara,
Suot ko ang mga matang puno ng lungkot.
Bitbit ko ang mga ngiting iisipin nyong totoo.
At ramdam ko. Dito. Ang puso kong mahina.
Ang puso kong pagod na magpanggap.
Ang puso kong duwag.
Duwag na amining hindi nya kayang
Kalimutan sya ng pag-ibig.

Wag ka nang babalik

Bago ka dumating, tahimik ang buhay ko
Walang hassle.
Hindi kumplikado.
Masaya ko.
Kahit mag-isa ko, kuntento ako.

Pero dumating ka.
Nung una ayaw kitang pagbuksan ng pinto kasi alam kong hindi ka naman mananatili
Lalabas ka rin.
At kung tulad ka nga ng iniisip ko, lalabas ka rin nang walang paalam.

Pero masyado kang mapilit.
Masyado kang mapilit na dahil ayaw kitang pagbuksan ay pumasok ka sa bintana
Ipinilit mo at wala kong nagawa
Hanggang sa unti-unti mong ginising ang mga kilig na matagal ko nang kinalimutan
Nahulog ako.
At sa pagkakataong ‘yon, hindi ko na inisip kung sasaluhin mo ko
at mananatili ka ba hanggang dulo.

Lumipas ang mga araw.
Lumalim. Tumindi. Lumakas ang kabog ng puso ko
na akala ko hindi ko mararamdaman sayo
Masyado mo kong pinahulog.
Sinanay mo ko na nandyan ka.
Sinanay mo ko sa mga bagay na pangmatagalan.
Na pangmatagalan sana. Dapat.
At kung kailan naman hulog na hulog na ko
Saka ka unti-unting nanlamig.
Bumitaw. Dumistansya.
Lumabas ng pinto nang walang paalam.

Ito na nga ba sinasabi ko e.
Dapat hindi na kita hinayaang makapasok.
Dapat hindi ka na nagpumilit na pumasok kung ang balak mo lang
ay guluhin ako at pagkatapos ay bahala na ko.
Sabihin mo sakin ngayon kung paano kita kalilimutan
Paano kita kalilimutan kung bago ka umalis
sinigurado mong marami kang ala-alang iniwan?
Paano kita kalilimutan kung sa bawat bagay ay nakikita kita?

Ang hirap hirap mong alisin sa sistema
Ang hirap magkunwaring masaya nang wala ka
Ang hirap gumising sa umaga at asahan ang mga bagay na wala na
Ang hirap matulog sa gabi habang iniisip ko kung okay ka lang ba
Nasan ka kaya?
Ano kayang ginagawa mo?
Masaya ka ba?
Ang sakit sakit.
Hindi ko alam kung hanggang kailan to
Pero sana kapag ayos na ko
Kapag kaya ko na ulit nang wala ka
Wag ka nang kakatok sa pinto o papasok sa bintana
Wag ka nang babalik.
Kasi ayoko na.

Taka

Minsan nagtataka ko

Kung anong klaseng paggalaw ang ginawa ng uniberso

Para magkatagpo tayo sa mundong ‘to.

Tinulak ba nya ko sayo

O hinila ka ba nya palapit sakin?

Binilisan ba nya ang pag-ikot para sabay tayong

mahilo at magtapo sa gitna

O binagalan nya hanggang sa ang mga paa na mismo natin

ang nagdala satin sa isa’t-isa?

 

Minsan nagtataka ko

Kung anu-anong magagandang bagay ba ang nagawa ko

para biyayaan ako ng kagaya mo.

Sobra ba kong naging mabait?

Dahil ba hindi ako nagtatanim ng galit?

O baka naman dahil sa araw-araw kong pagdadasal bago pumikit?

Kasi alam mo, dati palang talaga ito na yung hinihiling ko ng paulit-ulit.

Kaya rin siguro binigay ka para matigil na ko sa pangungulit.

 

Minsan nagtataka ko

Kung paanong ikaw pa sa lahat ng nandito sa mundo.

Anong meron sayo?

Anong ipinagkaiba mo?

Minsan nga nagdududa na ko.

 

Hanggang sa matuklasan ko ang mga bagay tungkol sayo.

Hanggang sa maramdaman ko kung gaano ka katotoo.

Hanggang sa matutunan kong intindihin

ang bawat bulong at sigaw ng puso mo.

Kung paanong kaya mong tuparin ang lahat ng mga pangako.

Kasi nga sabi mo, ang pangako dapat tinototoo.

At higit sa lahat, hindi mo kayang biguin ako.

 

Minsan nagtataka ko

Kung bakit nga ba ako?

Bakit nga ba tayo?

Pero titigilan ko na ang pangunguwestyon

Basta ang alam ko maswerte ako.

Maswerte ako.

Dahil sayo.

Pitong Rason Kung Bakit Hindi Dapat Ako Mahulog Sayo

Pitong rason kung bakit hindi dapat ako mahulog sayo.

Una, masyado kang masakit sa mata.

Sa tuwing makikita kita para bang may sariling buhay ang mga mata ko na sunod nang sunod sayo

at wala kong magawa para pigilan to

Kaya oo, masakit ka sa mata at ayoko nito.

Pangalawa, para kang bata. Makulit. Mapang-asar. Matampuhin.

Ayoko sa kumplikado.

Yung hanggang ngayon may mga bagahe pang dala mula sa nakaraan at yon ang pangatlo.

Pang-apat, ayaw nila sayo—nilang mga kaibigan ko. Bakit?

Dahil panglima at pang-anim, yung mga katulad mo raw yung tipong hindi nagseseryoso.

Yung mga tulad mo raw yung halatang sa una lang magaling pero bigla nalang maglalaho

At pangpito, hindi dapat ako mahulog sayo dahil masasaktan lang ako.

At takot ako. Na masaktan.

Takot akong mahulog sa mga gaya mo pero wala akong magawa.

Dahil sa pitong rason na meron ako, walo ang meron ka para mahalin ko.

‘Yang mga mata mo na para bang palaging nakikipag-usap sa mga mata ko

kaya naman walang tigil ang sunod nito sayo

Pangalawa, ‘yang mga biro mo na kahit na minsan kinaiinisan ko

ay sya rin namang dahilan ng mga ngiti at tawa ko.

Pangatlo, hindi mo man alam pero napapalabas mo yung totoong ako.

‘Yang ugaling meron ka na kinaaayawan nila

Na akala ng iba ang babaw lang pero hindi naman talaga

‘Yang ugaling meron ka na sakin mo lang totoong ipinapakita, yan.

‘Yan ang pang-apat at panglima.

Pang-anim, seryoso ka. Seryoso ka sa maraming bagay.

Siguro nga ako lang ang nakakakita pero sigurado ako na hindi lahat ng bagay ay laro lang para sayo.

Pangpito, ang tapang mo. Dahil kaya mong sabihin lahat ng nararamdaman mo, hindi gaya ko.

Kaya mong pumusta kahit wala namang kasiguraduhan ang pagkapanalo mo.

Pangwalo at ang pinakagusto ko, ikaw ka.

Wala kang ibang ginagawa kundi ang maging ikaw lang

Kaya paano ako hindi mahuhulog sayo?

Kapag Handa Na

Noong sinabi mo saking mahal mo ko, hindi ako nakasagot.
Hindi dahil sa ayaw ko sayo o kung ano pa man
Kundi dahil hindi ko alam kung dapat na ba.
Nagulat ako.
Hindi ko kasi alam na sasabihin mo yon.
Hindi ko nakitang darating to.
Nakakainis kasi hindi ko nabasa kung anong nasa isip mo
gaya ng madalas na ginagawa ko.

Sinabi ko sayong hindi pa ko handa.
Natatakot ako, ayaw ko pa.
Pero nakakatuwa lang dahil kahit ang gulo
at ang labo-labo ng isip ko, naintindihan mo.
Hindi ka nagalit. Hindi ka lumayo bagkus nanatili ka
Kahit pa sinabi kong wag na.

Alam ko naman e. Alam ko naman na lahat may hangganan.
Lahat napapagod. Lahat nagsasawa.
Pwedeng ngayon nandyan ka pa,
Pwedeng bukas ayaw mo na.
Pero kapag dumating yung oras na handa na ko at nandyan ka pa,
Pangako, titignan kita diretso sa mata
At sasabihin ko sayo ng buong pagmamahal na,
“Mahal, mahal din kita.”

Rosas

image

Hindi ako mahilig sa rosas.
Sinabi ko yan sayo unang beses palang na nagtangka kang bigyan ako.
Ewan ko ba pero simula nang nagkakilala tayo
Palagi mong pinipilit na bigyan ako nito kahit ayoko.
Kaya simula noon, natuto na kong tumanggap ng mga rosas galing sayo.
Nasanay na ko na sa tuwing matatapos ang isang araw,
may matatanggap ako mula sayo.
Rosas. Partikular na ang pulang mga rosas.

Hindi ko maintindihan kung bakit ang hilig mong bigyan ako nito.
Kasi kapag naman nagtatanong ako,
Palagi mo lang sinasabi na 
‘Simbolo yan ng pagmamahal ko sayo.’

Hindi ako mahilig sa rosas.
Pero sa tuwing maaalala ko
yung mga panahong nandyan ka pa
at binibigyan mo pa ko nito, napapangiti nalang ako.
Kasi ngayon iba na.
Inaamin kong hindi parin ako mahilig 
sa rosas pero bumibili ako.
At bibili, at bibili parin ako.
Araw-araw, buwan-buwan, taon-taon.
Lumipas man ang ilang dekada, bibili parin ako.

Bibili ako ng rosas kahit hindi ko gusto
Bibili ako ng pulang mga rosas
Dahil ito ang nagpapaalala sakin sayo.
Hindi ako mahilig dito pero pangako,
Ngayon ako naman.
Ako naman ang magbibigay sayo nito
Sa bawat pagpunta ko sa puntod mo.