Hindi Na Tayo Yung Dati

Meron. Merong nagbago.
Kahit hindi mo sabihin
Kahit hindi natin aminin
Alam nating may nagbago
Hindi na ikaw yung dating kilala ko.
Hindi na ikaw yung palaging kasama ko
Hindi ka na natatawa sa mga biro ko
Iba na yung trip mo sa trip ko.

At hindi na rin ako yung dati.
Hindi na ko yung malakas tumawa
Hindi na ko yung isang yaya mo lang nandyan na
May mga bago na kong kakilala
At nakakalungkot man pero ganun siguro talaga

Hindi lang satin umiikot ang mundo
Hindi lang tayo ang nabubuhay dito
Alam kong marami tayong napagkasunduan at ipinangako sa isa’t-isa noon
Pero ganun nga siguro talaga
Hindi lahat ng sinabi mangyayari
Hindi lahat ng ipinangako, matutupad.
May mga bagay na unti-unti nalang mawawala ng hindi natin namamalayan

Tulad ng nangyari satin.
Yung dating masaya lang, ngayon punong-puno ng drama
Yung dating simple lang, ngayon sobrang kumplikado na.
Dati naman kasi magkasama lang tayo ng saglit, ayos na
Pero bakit ngayon ang daming kulang?
Ang daming hinahanap
Ang daming kailangan
Ewan ko, siguro nga kasabay ng maraming kulang ang maraming katanungan.
Katanungan na hindi natin alam kung pano bibitawan ng walang nasasaktan
At kasagutan na parehas naman nating alam, takot lang tayong aminin kaya nagbubulag-bulagan.

Sabi natin noon mahuhulog tayo ng sabay
Tama, nahulog nga tayo ng sabay
Pero hindi sa isa’t-isa tayo bumagsak

Susugal Ako Sayo

Susugal ako sayo
Kahit ayaw nila
Kahit maraming duda
Kahit maraming kontra
Susubukan ko

Alam kong suntok sa buwan tong gagawin ko
Hindi ko alam kung may mapapala ba ko
Para kong isang sundalong sasabak sa gyera
Na hindi alam kung pagkatapos makakaligtas ba

Sabi kasi nila mali daw na mahulog sayo
Hindi raw tama na bigyan kita ng pagkakataon
Pinipilit nilang baguhin ang isip ko kahit na desidido naman na ko sayo
Kasi raw sasaktan mo lang ako
Kasi raw paiiyakin mo lang ako
Hindi raw ikaw yung dapat sa buhay ko
Ang dami dami nilang komento
Ewan ko, basta ako, susugal ako sayo.

Alam kong pwedeng tama nga sila
Na sa una lang magiging masaya
Na kalagitnaan unti-unti ka ring magsasawa
At bandang dulo iiyak ako at mauuwi lang sa wala
Pero ano bang magagawa ko?
Hindi ko na kayang tanggihan pa ang puso ko
Ilang beses na kong nagpadala sa takot
Maraming beses ko na pinigilan ang sarili ko na mahulog
At hindi ko naisip na isinasantabi ko na pala ang karapatan kong sumaya

Kaya sa pagkakataong to, 
Pikit mata kong susugal sayo
Masaktan na kung masaktan
Basta susubukan ko
Bahala na.
Bahala na kung hindi man ikaw yung tamang tao
Wala na kong pakialam kung sino ang sino

Pero sana,
Sana kung tama sila at ikaw nga yung maling tao,
Ikaw sana yung tipo ng maling tao na handang maging tama para sa sumubok na ako.

Para sa Lahat ng Lalaking Nangakong Maghihintay (pero hindi naman pala)

Para sa lahat ng lalaking nangakong maghihintay pero hindi naman pala, salamat.
Salamat sa inyo, sa mga alaala–
Sa mga alaalang minsang nagpangiti, nagpakilig, nagpasaya at nagpatunaw ng buong ako.
Sa mga alaala ng tamis at pait na nabuo ng dahil sayo
Sa lahat ng alaalang iniwan mo
Salamat. Sa saglit na panahon
Sa mga panahong naging dahilan ng saya ko
Sa mga panahong akala ko hindi na matatapos pero matatapos din pala ng maaga
Ng mas maaga at hindi ito ang inaasahan ko.
Inaasahan kong kaya mo.
Na makakapaghintay ka, na hindi lang hanggang dito
Pero hindi, hindi mo pala kaya, hindi mo kinaya
Salamat sa iba’t-ibang pakiramdam.
Sa mga pakiramdam na hindi ko sana mararanasan kung hindi dahil sayo– sainyo.
Sa mga pakiramdam na para bang ako ay nalulunod sa sariling pag-iyak
Na para bang ako ay pinipilas, winawasak, binabasag
Hanggang sa wala na, wala na kong maramdaman pa.

Para sa lahat ng lalaking nangakong maghihintay pero hindi naman pala, salamat.
Sa mga pangakong ang sarap pakinggan
Sa mga pangakong nakakalasing sa tenga
At para bang nag-aanyayang pakinggan mo sila– na paniwalaan mo naman sila.
Salamat sa mga pangakong minsan ay inakala kong totoo
Sa mga pangakong akala ko may posibilidad na matupad
Sa pangako ng paghihintay
Sa mga katagang “maghihintay ako kahit gaano pa katagal”
Sa paghihintay na hindi rin nagtagal dahil nagsawa na
Bigla nalang wala na.
Naisip ko, nakakainis palang mapangakuan ng mga taong hindi kayang maging totoo sa pangako pero salamat.
Salamat sa mga pangakong napako, nabaon sa limot at hindi na kailanman matutupad.
Sa lahat ng mga nasirang pangako.
Sa mga pangakong siguro ay ikinabusog nyo
Dahil sa kinain nyo lang naman lahat ito. Pero salamat dito.
Salamat dahil kung hindi dahil dito, hindi ako makakarating sa puntong to
Na tinatawanan nalang lahat ng alaala ng mga nasirang pangako.

At para sa lahat ng lalaking nangakong maghihintay pero hindi naman pala
Salamat dahil sa wakas, mas masaya na ko
At ibang ako na to.